Sinabi ni Presidential Spokesman Ignacio Bunye na posibleng may halong pulitika ang biglang paglutang sa publiko ng tatlong bata na sina Jason Banbanugon, Jomer Pabalan at Erwin Dolera.
Ito ay kaugnay ng reklamo ng tatlong bata na hindi umano natupad ang pangako ni Pangulong Arroyo.
Ipinaliwanag ni Bunye na mismong ang DSWD ay nagpaliwanag na walang katotohanan ang mga alegasyon na napabayaan ang tatlong bata.
Sinabi ni Bunye, may mga dokumento ang Palasyo bilang katunayan na natanggap ng mga magulang ng tatlong bata ang tulong pinansiyal tulad sa pag-aaral ng mga ito.
Ayon kay Bunye, posibleng may nagsulsol sa mga bata at magulang ng mga ito upang siraan ang administrasyon.
"Sana naman ay alalahanin nila na ang pamahalan ay handang tumulong sa kanila at ginagawa lahat ng magagawa. Espesyal nga itong treatment para sa mga batang ito sa kanilang lugar at marahil ay mayroon lang mga nagsulsol at hindi lang siguro nila naiintindihan ang kanilang ginagawa," paliwanag ni Bunye. (Ulat ni Ely Saludar)