Mga lola sa kulungan palalayain

Binigyang pag-asa ni Pangulong Arroyo ang pagkakaloob ng kalayaan sa 56 mga matatandang babaeng bilanggo sa Correctional sa pamamagitan ng Presidential pardon.

Sa isang talumpati ng Pangulo sa Inner Wheel Clubs of the Philippines, sinabi niyang mayroong programa ang kanyang pamahalaan sa pagpapalaya ng mga babaeng bilanggo na edad 70 pataas na tinaguriang "Laya Ka na Lola".

Sinabi ng Pangulo na ang patakaran ng programang ito ay dapat walang kinalaman sa droga at pangingidnap ang mga lolang bilanggo.

"This is my policy, if they’re not drug lords or kidnappers and they are more than 70 years old, just recommend it to me and I’ll assure you to grant them my Presidential pardon," anang Pangulo.

Dalawang lola na ang nakalaya sa piitan sa ilalim ng programang ito, sina Flaviana Reyes, 70 at Pacita Gonzales, 70, noong Enero 16, 2004 matapos aprubahan ng Pangulo ang rekomendasyon ng Inner Wheel Club.

Sinabi ng Pangulo na ang mga bilangguan ay dapat magsilbing sentro ng rehabilitasyon sa mga nahatulang nagkasala sa kaso pero sa sandaling sumapit na sila sa edad na 70 pataas kailangang mabigyan naman sila ng pagkakataong makapiling ang mga mahal nila sa buhay sa nalalabi pang panahon nila sa mundo. (Lilia Tolentino)

Show comments