Arestado ang limang Chinese national na pawang big-time drug traffickers kasabay ng pagkakasamsam ng umaabot sa P1 bilyong halaga ng shabu, kemikal at mga makina sa paggawa nito sa isinagawang raid sa nabanggit na lungsod.
Kinilala ni PNP-Anti-Illegal Drug Special Operation Task Force (AIDSOTF) chief P/Deputy Director Gen. Edgar Aglipay ang mga nadakip na sina Go Siak Ping, 43; Tan Ty Siao, 47; Co Chai Ong, 35; Ong Chi Seng, 33, na pawang nagmula sa Fujian, China at ang Fil-Chinese na si Robert Uy, 48.
Base sa ulat, dakong alas-10 ng umaga ng salakayin ang warehouse na ginawang shabu laboratory na nasa kahabaan ng Benito Hao st., Bgy. Mapulang Lupa, Valenzuela City matapos na magpalabas ng search warrant ang Valenzuela Regional Trial Court.
Magugunita sa isinagawang command conference kamakalawa sa Camp Crame ay katakut-takot na sermon at pananabon ang inabot nina Eastern Police District (EPD) director P/Chief Supt. Rolando Sacramento at Northern Police District Director P/Chief Supt. Marcelino Franco dahil konti lamang ang nahuhuling drug pushers sa kanilang hurisdiksiyon.
Habang pahapyaw na pinagsabihan naman ni Pangulong Arroyo si Southern Police District (SPD) District Director P/Chief Supt. Jose Gutierrez na pag-ibayuhin pa ang kampanya laban sa illegal na droga.
Inihahanda na ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mga naarestong suspek. (Ulat nina Rose Tamayo at Joy Cantos)