2003 stamp exhibition bubuksan ngayon

Pangungunahan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang ceremonial ribbon-cutting bilang pormal na pagbubukas ng "Pilipinas 2003 Stamp Exhibition" kasunod ng pagbibigay ng award sa mga nagwagi sa "Ang Batang Pinoy Laban sa Droga" stamp design contest sa pagdiriwang ng ika-105 founding anniversary ng Philippine Postal Corporation (Philpost) ngayong araw.

Bago ito, sasalubungin ni Postmaster General Diomedio Villanueva ang Pangulo bandang alas-10 ng umaga sa pagbubukas ng isang linggong aktibidad ng Philpost para sa Postal Consciousness week celebration na may tema na "National Reconciliation and Unity Through a Dynamic Postal Service".

Ang souvenir frame ng "Fight Drug Abuse Stamp" ay ipepresenta sa Pangulo ni Transportation ang Communication secretary Leandro Mendoza, Post Gen. Villanueva at Philpost chairman Manuel Barcelona.

Bukod dito, sasaksihan ng Pangulo ang pagbabasbas sa 40 bagong L-300 Mitsubishi delivery vans na naglalayong pabilisin ang paghahatid ng mga sulat sa buong kapuluan.

Iaasiste nina Post Gen. Villanueva at Mendoza ang Pangulo sa pagbubukas ng makabagong Electronic-Postal Money Order Service (e-PMO), isang cash remittance service na binubuo ng card system sa pamamagitan ng internet at ang Express Mail Service (EMS) hubs, isang programa para sa distribusyon ng EMS mail para sa mas mabilis na delivery sa mga strategic areas sa bansa. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments