Misis at lover hinatulan ng bitay

Parehong parusang kamatayan ang inihatol sa isang misis at sa kanyang kalaguyo makaraang makipagsabwatan ang dalawa sa pagpatay sa asawa ng una para maging legal ang kanilang relasyon, walong taon na ang nakalilipas sa San Juan, Metro Manila.

Kasong murder ang ipinataw ni Judge Alex Quiros ng Branch 156 ng Pasig Regional Trial Court sa akusadong si Rolando Malibiran at kasong parricide naman kay Beverly Libo Tan makaraang magsabwatan sa pagpatay sa biktimang si Reynaldo Tan, asawa ni Beverly.

Pinagbabayad din ang mga akusado ng halagang P180,000 sa mga naiwan ng biktima para sa actual at moral damages.

Sa rekord ng korte, naganap ang insidente noong Pebrero 5, 1995 makaraang sunduin ng biktima si Beverly at kanilang mga anak sa bahay ng mga ito sa White Plains, Quezon City at namasyal sila sa Greenhills shopping complex sa San Juan.

Nabatid na hiwalay na sina Reynaldo at Beverly pero sinusuportahan pa rin ng una ang kanilang mga anak at mayroon na itong kinakasamang ibang babae.

Dumating sila sa nasabing lugar dakong alas-12 ng tanghali sakay ng Honda Accord na ipinarada sa parking lot.

Dakong alas-4 ng hapon, nagpasya ng umuwi ang pamilya at pinuntahan na ng biktima ang nakaparadang kotse habang naiwan sa tapat ng shopping mall si Beverly at mga anak nito.

Pero ng buksan na ng biktima ang pintuan ng kotse ay bigla itong sumabog at nahagip ito, kaya agad itong isinugod sa Cardinal Santos Medical Center ngunit namatay din ito habang ginagamot dahil sa pinsalang natamo ng naganap na pagsabog.

Ayon naman kay PO1 Wilson Lachica, habang nagsasagawa siya ng imbestigasyon ukol sa pagkamatay ng biktima ay napansin nitong parang walang reaksiyon si Beverly sa naganap na pagkamatay ng kanyang asawa kaya nagduda na siya na parang may kinalaman ito sa pagkamatay ng biktima.

Napag-alaman din ni Lachica sa isinagawang imbestigasyon na habang nasa loob ng shopping mall ang biktima at mga anak nito ay hiniram ni Beverly ang susi ng kotse at si Malibiran ang nagbukas niyon upang ilagay ang granada sa loob nito.

Sa depensa naman ng mga akusado, sinabi ng mga ito na hindi sila ang naglagay ng granada sa loob ng kotse dahil nasa magkahiwalay silang lugar ng mangyari ang insidente, subalit hindi ito pinakinggan ng korte.(Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments