Sa 9-pahinang resolusyon, sinuspinde ni Deputy Ombudsman Margarito Gervacio sa loob ng anim na buwan na walang tatanggaping suweldo si Flor Aguilar, hepe ng miscellaneous division ng BOC.
Ayon kay Gervacio, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Ombudsman laban kay Aguilar para sa pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo laban dito.
Inihain ng PNP-Criminal Investigation ang Detection Group na pinamumunuan ni Director Eduardo Matillano ang reklamong grave misconduct at dishonesty laban kay Aguilar sa Office of the Ombudsman noong Agosto 20, 2003.
Base sa inisyal na imbestigasyon, nabigo si Aguilar na ideklara sa kanyang statement of assets, liabilities and net worth ang kanyang bahay na nasa Block 21, Lot 8.
Nang iberipika sa Assessors Office ng Quezon City, lumalabas na ang dalawang ari-arian ay pag-aari ni Aguilar.
Hindi rin idineklara ni Aguilar ang kanyang apat na sasakyan na kinabibilangan ng dalawang BMWs, isang Isuzu trooper at isang Honda CRV.
Itinago rin umano ni Aguilar ang kanyang mga ari-arian sa Naga City, Camarines Sur at Maynila na kinabibilangan ng isang condominium unit sa Seaview Towers sa kahabaan ng Roxas blvd., na ayon sa Ombudsman ay binili ni Aguilar kay dating Tourism secretary Mina Gabor sa halagang P12 milyon. (Ulat ni Malou Rongalerios)