Sa isang manipesto na nilagdaan ng mga lider ng Guardians na pinangungunahan ni Gen. Nestorio "Tiger" Gualberto at Grandmaster Founder Police Chief Insp. Leberio Jangao Jr. at anim na mga Heneral na miyembro ng Central Committee, nagkakaisa nilang inihayag na bilang mga mamamayan ng bansa at tagapangalaga ng demokrasya, sumusunod sila sa Konstitusyon, kinikilala ang mga awtoridad ng bansa at ipagtatanggol ang mga ito alinsunod sa kanilang patakaran.
Pinabulaanan ng nasabing grupo ang balitang may partisipasyon sila sa mga personalidad o grupo na nagpaplanong ibagsak ang administrasyong Arroyo sa pamamagitan ng pag-aalsa o kudeta.
"We strongly oppose, denounce and disown any claim of participation of the Guardians whether individual or group in any political action designed to oust the present leadership," anang Guardians.
Iginiit pa nila na kakampi sila ng kilusan para sa kapayapaan at mga mamamayang tutol sa pagkakaroon ng gulo at pagdanak ng dugo.
"We want to affirm our commitment to the Constitution and the Arroyo administration. The Blood of our countrymen is too precious to spill, " nakasaad pa sa manipesto.
Naghayag na rin ng suporta ang Guardians sa liderato ni Defense Sec. Angelo Reyes at AFP Chief of Staff Gen. Narciso Abaya, PNP chief Dir. Gen. Hermogenes Ebdane at Interior Sec. Jose Lina. (Ulat ni Lilia Tolentino)