Ayon kay Atty. Romulo Macalintal, election lawyer, malinaw umano na hindi maaaring mai-aplay ang mandatory drug tests sa isang tao na nagsumite lamang ng kanyang certificate of candidacy.
Ani Macalintal, ang puwersahang pagsasailalim sa drug tests ay maaari lamang i-aplay sa mga nahalal nang kandidato na dapat lamang na sumailalim muna sa pagsusuri bago ito maupo sa kanyang puwesto at maglingkod sa publiko.
Hindi rin umano nasasaad sa batas na maaaring gamiting batayan upang madiskuwalipika ang isang kandidato sa halalan dahil lamang sa pagkabigo o pagtanggi nitong sumailalim sa drug tests.
Binigyang diin ni Macalintal na ayon sa batas, maaari lamang madiskuwalipika ang isang kandidato kung itoy ideklara ng awtoridad na hindi karapat-dapat o may kapansanan o di kayay nasentensiyahan sa kasong rebelyon o anumang kaso kung saan siya ay nahatulang mabilanggo ng mahigit sa 18 buwan.
Maaari rin umanong hindi na mapayagang makakatakbo pa sa halalan ang isang kandidatong matutuklasan ng Comelec na nakagawa ng kasalanang may kinalaman sa eleksiyon tulad ng vote buying, pandaraya, terorismo at pagtanggap ng mga illegal na kontribusyon para sa kanyang kandidatura.
Kasabay nito, binatikos rin ni Macalintal ang Comelec dahil sa higit umano nitong pagbibigay ng pansin sa isang drug-free na halalan kaysa sa pagbibigay ng sapat na impormasyon sa mga botante ukol sa nalalapit na eleksiyon sa 2004. (Ulat ni Grace dela Cruz)