Ito ang tiniyak ni Defense Secretary Angelo Reyes kasabay ng paglulunsad kamakailan ng "long-term off base housing program" para sa personnel ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Pangarap ni Reyes na magkaroon ng mura at disenteng tirahan ang lahat ng miyembro ng AFP. Ito ay bilang pagkilala niya sa di matatawarang serbisyo at sakripisyo ng mga sundalong Filipino.
Bilang pasimula ng long-term off base housing, magtatayo ng 1,000 pabahay na kumpleto sa basic utilities at amenities sa 20 hektaryang lupain sa Camp Riego de Dios, Tanza, Cavite ang pribadong contractor at developer na Laguna Properties Holdings Inc. Sa pakikipagtulungan ng Pag-IBIG, puwedeng bayaran ng mga soldier-beneficiaries ang kanilang bago at de kalidad na bahay hanggang 25 taon.
Ipinahayag ni Reyes na opisyal na ring iprinoklama ni Pangulong Arroyo ang Camp Servillano Aquino, Tarlac at Fort Bonifacio, Makati bilang mga housing project sites para sa mga opisyal ng AFP.
Nabatid na mahigit 50% ng 120,000 AFP personnel ang walang sariling tirahan, 15,000 sa mga ito ay nakatira sa squatter areas. Bukod dito, 1980s pa nang huling magkaroon ng major housing programs sa San Mateo, Rizal at Bulihan, Cavite para sa mga sundalo.
Ang mga ito ang nagbunsod sa nooy AFP chief pang si Reyes para isulong ang programang mura subalit de kalidad na pabahay para sa AFP personnel. (Ulat ni Joy Cantos)