Ayon sa Pangulo, kailangang magharap ang MILF ng isang nakasulat na dokumento na may lagda ng central committee nito na nagsasaad na tinatalikuran na nila ang terorismo at koneksiyon nila sa Al-Qaeda at Jemaah Islamiyah at Abu Sayyaf.
Pangalawang kundisyon ay ang paghahayag kung saan matatagpuan ang kanilang military units para makita kung talagang wala silang alyansa sa alinmang grupong terorista at kriminal.
Inihayag din ng Pangulo na kailangang isuko ng MILF ang lahat na may kagagawan ng pagpaslang sa mga inosenteng mamamayan sa Siocon at Maigo para malitis ang mga ito at mabigyan ng hustisya ang kanilang krimen.
Sa panig ng MILF, nagpataw rin ito ng mga kundisyon para manumbalik ang negosasyong pangkapayapaan sa pamahalaan. Sa pahayag ni MILF spokesman Eid Kabalu, kailangang paalisin ang tropang militar ng gobyerno sa Buliok complex sa Pikit, North Cotabato at kailangang iurong ng pamahalaan ang direktibang pagpapaaresto sa kanya, at kina MILF officials Hashim Salamat, Al Haj Murad Ibrahim, Ghadzali Jaafar at Aleem Asiz Mimbantas. (Ulat ni Lilia Tolentino)