Reaksyon ito ni Syrian Foreign Minister Farouq al-Shara sa babala ni US State Sec. Colin Powell na tumigil ang Syria sa pagtatago sa mga dapat iharap sa hustisya.
Inaakusahan din ng US ang Syria na nagbibigay ng military assistance sa Iraq, bagay na itinanggi ni al-Shara.
Binalaan ni Powell ang Damascus na huwag kanlungin ang mga taong nagmula sa Baghdad na pinaghahanap ng allied forces.
Iginiit ni al-Shara na walang basehan ang lahat ng akusasyon ng US na tinutulungan ng Syria si Saddam.
Sa kasaysayan, ang Syria ay isa sa mga naitalang kaanib at sumusuporta sa Iraq.
Binigyan ng Iraq ang Syria ng military troops, mga sandata at kagamitan habang kasagsagan ng Arab-Israeli war noong 1973. Sa patuloy na military action laban sa Israel, ipinasya ng Iraq ang tigil-putukan o ceasefire upang matapos ang 1973 conflict at tinutulan ang interim agreements sa pakikipagnegosasyon ng Egypt at Syria kasama ang Israel noong 1974-1975.
Sa Damascus at Cairo nagtago si Saddam na kaanib na noon ng Baath Nationalist Party matapos na isagawa ang assassination attempt kay General Abdul Karim Kassem, ang military president ng Iraq noong 1959. Nabigyan pa ng asylum sa Cairo ang tumakas na si Saddam bago nagbalik sa Iraq noong 1963.
Samantala, magsasagawa ng serye ng pagpupulong ang mga US officials at Iraqi opposition leaders sa loob at labas ng Iraq upang ilatag ang plano at pagsusulong ng interim government sa Iraq matapos na mapabagsak ang rehimen ni Saddam.
Nagbabala naman si Egypt President Hosni Mubarak sa posibilidad na magkaroon ng civil war sa Iraq mula sa mga magkakaaway na Muslim Sunnis at Shiites, kabilang na ang Kurds dahil sa matagal nang magkakahiwalay na paniniwala at ipinaglalaban.
Sinabi ni Mubarak na may tsansa na magkasagupa ang mga nabanggit na grupo at maging daan aniya ng pagkakahiwa-hiwalay ng mga Iraqis.
Ang mga Shiites ay binubuo ng 60 porsyento sa 26 milyon na populasyon ng Iraq habang milyon-milyon din ang Sunnis na kinaaaniban ni Saddam mula sa Baath.
Kahapon ay nilusob na rin ng 1st Marine Expeditionary troops ang Tikrit na siyang balwarte ni Saddam.
Ang bayan ng Tikrit ay ang nalalabing malaking lugar na posibleng pinagtataguan din ni Saddam sa kanyang secret lungga na hindi pa nasasakop ng allied forces matapos na ma-kontrol ang Al-Basrah, Kirkuk, Baghdad at An-Nasiriyah. (Ulat ng Reuters at ni Ellen Fernando)