Hindi imposibleng makipagsabwatan ang New Peoples Army (NPA) sa katulad nilang armadong grupo upang mapalakas pa diumano ang kanilang kapabilidad at puwersa. "Kapit sa patalim" ika nga dahil alam nilang hindi nila kayang labanan mag-isa ang tropa ng pamahalaan.
Kamakailan, inamin ni Gregorio "Ka Roger" Rosal sa isang panayam sa radyo na patuloy ang pagsasanay nila ng mga mandirigmang MILF kapalit ng mga armas. Idinagdag pa niya na napagkasunduan ng NPA at MILF na magsanib laban sa pamahalaan at militar dahilan sa patuloy na sigalot na nagaganap sa Mindanao. Hindi rin malayong makialyado ang NPA sa ASG. Sino pa ba ang magtutulungan sa panahong nagkakagipitan na sila kung hindi ang kagaya rin nila?
Sa ganitong sistema, iisang mukha lang pala ang kalaban ng buong sambayanan. Magkakaiba man ang pangalan ng kanilang grupo, ng kanilang lider at miyembro at ng kanilang ipinagsisigawang ideyolohiya, pare-pareho lang silang lahat. Pare-pareho silang mga terorista. (Ulat ni Butch Quejada)