Ibinasura kahapon ng Sandiganbayan Special Division ang motion for reconsideration na inihain ng kampo ni Ejercito at ni dating Pangulong Estrada na humihiling na huwag ituloy ang pagbusisi sa bank records na isinasangkot sa transaksiyon ng Jose Velarde account sa Binondo branch ng Equitable-PCI Bank.
Nakasaad sa limang pahinang resolusyon na walang bagong argumento na naipakita sina JV at Estrada upang katigan ang kanilang motion to quash.
Nais ni JV na pigilan ang prosekusyon sa pagpapalabas ng bank records nito sa Philippine Depositors Insurance Corp. (PDIC).
Ayon sa Special Division, tama ang argumento ng prosekusyon na hindi sakop sa pagbabawal ng bank serecy law ang pagbusisi sa deposito dahil may elemento ng betrayal of public trust ang kasong kinakaharap nina Estrada na plunder at illegal use of alias.
Inaasahang patutunayan ng prosekusyon sa korte na nanggaling sa account ni JV ang P189 milyon na pumasok sa Jose Velarde account sa Binondo branch ng Equitable-PCI Bank na sinasabing pag-aari ni Estrada.
Ipiprisinta ng prosekusyon si Aurora Baldoz, vice president ng PDIC upang busisiin ang bank records ni JV na trust account no. 858 sa Export and Industry Bank na bumili ng nagsarang Urban Bank. (Ulat ni Malou Escudero)