OFW sa Malaysia bibitayin bukas

Sisikapin ng gobyerno na mapigilan ang nakatakdang pagbitay bukas sa isang overseas Filipino worker (OFW) na inaresto at pinaghinalaang drug trafficker sa Kota Kinabalu, Malaysia.

Ayon sa impormasyong nakalap ni Senator Noli de Castro mula kay Siocon, Zamboanga del Norte Mayor Cesar Soriano, nakatakdang bitayin sa pamamagitan ng bigti sa Biyernes bandang alas-3 ng hapon si Andy Bagunda, 25, skilled carpenter sa Kota Kinabalu at tubong Siocon, Zamboanga del Norte.

Sinabi ni Sen. de Castro, nakipag-ugnayan na siya kay Foreign Affairs Secretay Blas Ople upang gumawa ng representasyon sa Malaysian government upang mapigilan ang nakatakdang pagbitay kay Bagunda.

Inatasan naman ng pamahalaan si Special Envoy for OFW Roberto Romulo upang makipag-koordinasyon sa pamahalaan ng Malaysia para mapigilan ang pagbitay.

Nabatid kay Mayor Soriano na nahuli si Bagunda noong 1996 sa Kota Kinabalu ng mga pulis at pilit na pinaaamin na ito ang nagmamay-ari ng isang bag na naglalaman ng shabu.

Tumangging umamin ang binata hanggang sa pahirapan ito ng mga pulis at ikinulong saka inakusahang drug trafficker noong 1996 at kinasuhan na walang naging representasyon mula sa ating pamahalaan.

Aniya, walang salapi ang pamilya ni Bagunda para madalaw ang binata kaya puro dasal na lamang ang kanilang ginagawa at dumadalangin na mapigil ang pagbitay dito at sana ay magkaroon ng re-investigation upang lumitaw ang katotohanan.

Nalaman lamang ng mga magulang ni Bagunda na nakakulong at nakatakdang bitayin sa Biyernes ang kanilang anak matapos silang makatanggap ng telegrama mula sa DSWD. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments