Sa report na nakuha ni Metro Manila Police chief deputy director General Reynaldo Velasco, nakatutok ngayon ang mga secret agent na ito sa mahigit 35 street gangs na tinukoy sa talaan ng Western Police District (WPD), 20 sa Central Police District (CPD) at 10 sa Eastern Police District (EPD).
Sa Southern Police District (SPD), sinabi ni chief Supt. Jose Gutierrez na walang street gangs na nag-ooperate sa kanilang lugar habang ang Northern Police District (NDP) ay hindi pa nakakapagsumite ng kanilang report.
Ayon kay Velasco, nakapokus ang operasyon ng secret marshals sa 10 tinukoy na crime-prone areas ng metropolis. Ang mga lugar na ito ay sa Cubao, Batasan, Baler at Galas sa CPD area; Pasay city, Makati city at Parañaque city sa SPD; Mandaluyong city sa EPD; Caloocan city sa NPD at Ermita sa WPD.
Talamak sa 10 areas na ito ang cellular phone snatching, robbery, snatching, petty holdups at pickpockets.
Samantala, tutol si Senator Tessie Aquino-Oreta sa plano ng pulisya na buhayin ang pagpapakalat ng secret marshals tulad noong panahon ng Martial Law.
Sinabi ni Sen. Oreta, dapat agarang ibasura ng Malacañang ang planong ito ng PNP-NCR dahil hindi naman ito ang tamang pamamaraan upang lutasin ang mga street crimes.
Sa halip na isipin ng PNP na buhayin ang secret marshals ay suportahan na lamang anya ang plano ng DILG na isailalim sa rigid training ang may 800,000 barangay tanod sa bansa upang ipatupad ang anti-crime drive ng pamahalaan.
Wika pa ni Oreta, nakakatakot ang pag-usbong muli ng secret marshals dahil sa halip na makatulong ito sa pagsugpo ng krimen ay baka magamit pa ito ng mga awtoridad sa pag-abuso sa kanilang tungkulin. (Ulat nina Non Alquitran at Rudy Andal)