Ari pinutol ni Mister, iniregalo kay Misis

MALASIQUI, Pangasinan – Upang patunayang wala siyang ibang babaeng pinopormahan, pinutol ng isang mister ang kanyang sariling ari, ibinalot sa isang dyaryo at saka "isinuko" bilang regalo kay misis.

Ang ari na may tatlong pulgada ang haba, ay agad na iprineserve ng pulisya para gamiting ebidensiya sakaling kailanganin ito sa hinaharap.

Kinilala ni Chief Inspector Harris Fama, hepe ng pulisya dito, ang lalaki na si George Villacorta Mamaril, ng Quezon boulevard sa bayang ito.

Ayon kay Inspector Fama, naganap ang insidente nitong Pebrero 22, 2003 bandang alas-8:30 ng gabi. Mismong ang misis na si Evelyn Palaganas Mamaril, 35, ang nagdala ng putol na ari sa pulisya.

Napag-alaman kay Evelyn na nasa bahay siya ng kanyang mga magulang sa Don Vicente Quintanas sa bayan ding ito ng biglang ihagis ni George sa bintana ang putol at duguang ari habang sumisigaw ng "Piano ag ka la manududa ya onkakaraw ak (Para hindi ka na magsuspetsa na nanliligaw pa ako ng ibang babae)."

Agad namang nagsidungaw sa kanilang mga bintana ang nabulabog na mga residente at kanilang nakita si George na naglalakad habang namimilipit sa sakit hawak ang kanyang sugat na tinatagasan ng dugo.

Nang buksan ni Evelyn kung ano ang nasa loob ng inihagis na dyaryo, nagitla ito ng makita ang pinutol na ari ng kanyang mister.

Agad namang humingi ng tulong ang pulisya sa isang lisensyadong embalsamador para sa tamang preserbasyon ng penis.

Nabatid na tatlong taon ng hiwalay ang mag-asawa at bumalik ang babae sa poder ng kanyang mga magulang. Ito’y matapos kumbinsihin si Evelyn ng kanyang mga magulang na layasan si George dahil hindi na umano siya kayang buhayin ng lalaki at palakihin ang kanilang dalawang anak.

Bukod sa walang trabaho, si George ay balita sa kanilang lugar na mahilig manligaw ng ibang babae kahit may asawa na.

Habang isinusulat ang balitang ito ay hindi pa makita si George. (Ulat ni Eva Visperas)

Show comments