Ayon kay Camarines Sur Rep. Rolando Andaya Jr., siguradong babaligtad ang mga mamamayan at mambabatas na tumatanggi sa pagpasok ng mga sundalong Kano sa bansa kung pati utang ng Pilipinas ay "patatawarin" na lang ng nasabing bansa.
Hindi na anya bago ang ginagawang pagpapatawad ng Amerika sa mga bansang may utang sa kanila dahil ilang beses na rin nila itong ginawa.
Inihalimbawa ng solon ang ginawang pagpapatawad ng US sa bilyun-bilyong dolyar na utang ng Pakistan matapos suportahan ng huli ang giyera ng Washington laban sa Afghanistan.
Malaking tulong naman ang ibibigay ng Amerika sa Turkey dahil sa pagpayag nitong maging jumping pad ng US sa sandaling salakayin na ang Iraq.
Ayon kay Andaya, wala namang pinagkaiba ang kaso ng Pilipinas sa mga nabanggit na bansa dahil sa pagsuportang ipinapakita dito ng pamahalaan.
Maaari aniyang gamitin ng AFP ang napakalaking pondo na nakalaan sa pagbabayad ng utang sa Amerika sa pagsugpo sa Abu Sayyaf.
Kabilang sa mga utang ng Pilipinas sa Amerika ang $86.822 milyon mula sa US Agency for International Aid (USAID).
Binabayaran din ng bansa ang $223.64 milyon na commodity loans na kinabibilangan ng US farm surplus products na itinambak ng US sa Pilipinas. (Ulat ni Malou Escudero)