Color coding at odd-even scheme pagsasabayin

Planong pagsabayin ng pamunuan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang pagpapatupad ng color coding scheme o Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) at odd-even scheme upang matugunan ang problema sa trapiko.

Kasalukuyang pinag-aaralan ng MMDA ang sabay na implementasyon sa dalawang traffic sheme na reresolba sa matinding trapiko na nararanasan sa lahat ng sulok ng lansangan.

Sinabi ni MMDA Chairman at DPWH Secretary Bayani Fernando, bagamat salungat ang publiko sa naturang hakbang at inaasahang aani ng kabi-kabilang pagbatikos mula sa mga operator at transport groups ngunit kung ito’y magdudulot ng kabutihan at kaayusan para sa nakararami ay doon siya lulugar

Nabatid na suhestiyon pa lamang sa ahensiya na pagsabayin na lang ang pagpapatupad sa naturang scheme na kasalukuyan nang pinag-aaralan ng MMDA sa pagbabakasakali na tuluyang maibsan ang trapiko sa mga pangunahing lansangan sa kalakhang Maynila.

Malaking kaluwagan sa kalsada ang pagpapatupad sa color coding at odd-even scheme na sasabayan pa ng paghuli sa mga colorum buses, FX taxis, jeepneys at maging pribadong mga sasakyan

Idagdag pa umano dito ang pagsasagawa ng hiwalay na clearing operations araw-araw upang itaboy ang mga illegal vendors na umuokupa sa sidewalk.

Iginiit ni Fernando na tanging disiplina sa publiko ang ugat ng matinding problema. Kapag may disiplina ay madali ang kalutasan sa lahat ng suliranin. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments