Ang personal na opinyon ni Datumanong ay inihayag matapos na bumisita kahapon sa Bureau of Corrections (Bucor) at silipin ang lethal injection chamber sa NBP.
Niliwanag ni Datumanong na noong Kongresista pa lamang siya ay iminungkahi na niya ang pugot -ulo sa mga death convicts bilang paraan ng pagpapataw ng parusang kamatayan upang makatipid ang pamahalaan sa gastusin.
Hindi aniya malaki ang kinakailangang salapi ng gobyerno upang ipatupad ang pagpapataw ng parusang bitay kumpara sa lethal injection na gumagastos ng P50,000 sa bawat isasalang na bibitayin mula sa ituturok na nakamamatay na gamot.
Nais igaya ng Justice Secretary sa Pilipinas ang pagpapataw ng kamatayan sa pinaiiral ng pamahalaang Saudi Arabia sa pamamagitan ng pagpugot ng ulo sa mga napatunayang nakagawa ng karumal-dumal na krimen.
Samantala, nangako si Datumanong kay Bucor Director Ricardo Macala na tutulong ito na mataasan ang food allowance ng mga bilanggo sa ibat ibang kolonya ng NBP.
Nabatid na umaabot lamang sa P29 kada araw ang food allowance ng bawat bilanggo kaya plano ng Kalihim na taasan ito ng P40 kada araw.
Nakatakdang kausapin ng Kalihim si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo upang magbigay ng executive clemency sa mga kuwalipikadong bilanggo na nararapat nang lumaya para makapagbagong -buhay.
Kaugnay nito, inulan ng batikos si Datumanong sa kanyang nais na pugot-ulo kapalit ng lethal injection.
Maging ang ilang opisyal ng NBP ay tutol sa opinyong pugot-ulo ng Kalihim dahil ito ay sa barbaric na pamamaraan at lalong magagalit ang mga religious groups.
Anila, kaya lamang nasabi ni Datumanong ito dahil isa siyang Muslim at hindi uubra ito sa sistemang maka-Kristiyano. (Ulat nina Gemma Amargo at Lordeth Bonilla)