Sa unang araw ng ginanap na pagdinig kahapon ng binuong independent fact finding committee ng Department of Transportation and Communications (DOTC) na pinamumunuan ni Usec. Arturo Valdez, nagturuan ang dalawang piloto na sina Captain Bernie Crisostomo at 1st Officer Joseph Gardiner gayundin ang mekaniko ng eroplano na si Juan Pornillo.
Dahil dito, pilot error ang siyang inisyal na lumutang na posibilidad nang pagbagsak ng eroplano maliban pa sa kabulukan ng Fokker 27.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumitaw na masyadong konti na ang gasolina ang sanhi ng pagkasira ng makina ng eroplano bagay na nagpatibay sa unang findings ng Air Transporatation Office (ATO) na "quit engine" ang maaring dahilan ng pag-crash ng eroplano.
Sa pagharap sa komite, sinabi ni Crisostomo na bilang co-pilot ay trabaho umano ni Gardiner na itsek muna o tingnang mabuti kung may lamang aviation fuel ang eroplano.
Aminado naman si Crisostomo na maging siya ay di batid kung kumpleto sa aviation fuel ang pinalipad nilang eroplano o kung nakabukas ang fuel valve ang nasabing bahagi ang siya namang magbubukas para magsuplay ng fuel sa buong makina.
Sa panig naman ni Gardiner,ikinatuwiran nito na sa pagkakaalam niya ay nasa maayos na kundisyon ang eroplano kasabay na bagaman hindi niya sinuri kung may fuel ang eroplano ay trabaho na umano ito ng mekaniko na si Pornillo.
Ikinatuwiran naman ni Pornillo na bilang mga piloto ay ang dalawa na umano ang dapat magsuri kung may lamang gasolina ang eroplano. (Ulat ni Joy Cantos)