Ito ang masusing sinisilip ngayon sa patuloy na imbestigasyon ng Antipolo City police sa mistulang bangungot na naging kapalaran ng biktimang si Arturo Eupena, residente ng Lot 2 Block 9 Nazareneville subdivision.
Si Eupena ay pinaslang dakong 1:50 ng madaling araw nitong Lunes matapos magdiwang ng kanyang kaarawan noong Sabado. Ang pagpatay ay nasaksihan mismo ng anak nitong si Reynan Eupena, 31.
Nabatid na ikinokonsiderang pangunahing suspek sa kaso ang asawa ng biktima na si Leticia, 52, sanhi ng hindi nito paglutang simula ng mapaslang ang kanyang mister.
Base pa sa imbestigasyon, nagpaalam si Leticia sa kanyang asawa noon pang Linggo na makikitulog sa isa nitong kamag-anak sa Camp Crame. Bago umalis ay balisa na ito at tila may malalim na iniisip.
Isa rin sa mga anggulong tinitingnan ng mga awtoridad ay ang pagtanggi umano ng biktima na isama bilang co-depositor sa isang bangko ang kanyang asawa kaya posibleng sumama ang loob ng babae at nagtanim ng galit.
Si Eupena ang nanalo sa October 12 draw ng lotto na may premyong P19 milyon. (Ulat ni Joy Cantos)