"Hindi niya dapat ito ginawa sa isang Batangueño! "
Ito ang tinuran ni Senador Ralph Recto sa ginawang pambabastos at pananakot ni Chinese Ambassador Wang Chungui sa kanyang kababayan na si Justice Secretary Hernando Perez sa loob ng opisina nito.
Ayon pa kay Recto na isa umanong malaking pagkakamali ang ginawa ni Wang na banggain ang tulad ni Perez na may sariling paninindigan.
Marahil iniisip umano ng embahador na siya ay nasa kanyang bansa na kapag ginusto niya ang isang bagay ay kanyang makukuha.
"Ano siya sinusuwerte na pagpasok niya sa opisina ng Justice secretary na may regalong mooncake ay arborin ang may 122 nahuling mangingisdang Chinese na illegal na nangingisda sa Palawan ay pakakawalan na agad ito" pahayag ni Recto.
Sinuportahan din ni Senador Aquilino Pimentel Jr. ang kahilingan ni Perez na agad sipain palabas ng bansa ang bastos na China envoy.
Humanga ito kay Perez sa kanyang paninindigan na ipagtanggol ang batas at bansa na kahit ang nakikiusap ay isang mataas na tao.
Ayon kay Pimentel, si Wang at tulad ng iba pang dayuhang embahador ay isa lamang "guest of honor" ng bansa at hindi maaaring diktahan ang sinumang public officials.
"Pinahahalagahan natin ang ating diplomatic relations sa China at kinukunsidera natin silang mga kaibigan, kaya lang ang kanilang envoy ay hindi tayo ginagalang maging ang ating batas" wika ni Pimentel.
Maging sa Mababang Kapulungan ay nakakuha ng kakampi si Perez sa katauhan nina Bukidnon Rep. Juan Miguel Zubiri at Negros Occidental Rep. Jun Lozada na sumusuporta sa agarang pagpapatalsik kay Wang.
Samantala,sinabi naman ni Press Secretary Ignacio Bunye na hindi pabor ang Malacañang na ideklarang persona-non-grata at patalsikin sa bansa si Wang dahil sa ang laging iniisip ng pamahalaan ay mapanatili ang magandang relasyon sa China.
Subalit,nilinaw ni Bunye na ipapaubaya na lang nila sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang desisyon sa kahilingan ni Perez dahil sila ang may alam sa tamang proseso sa ganitong kaso.
Magugunita na noong Biyernes ay nagwala sa loob ng opisina ni Perez si Wang at pinaghahampas pa nito ang mesa ng kalihim matapos na hindi mapagbigyan ang kahilingan na pakawalan ang mga mangingisdang Chinese na nahuli sa karagatan ng Palawan noong Enero hanggang Mayo ng taong kasalukuyan. (Ulat nina Rudy Andal, Malou Rongalerios, Jhay Quejada at Ely Saludar)