Congressman Jules may kasalanan din sa dinukot na 2 anak

May kasalanan din si Negros Occidental Rep. Jules Ledesma sa pagkakakidnap ng dalawa nitong anak.

Ayon kay House Deputy Speaker Raul Gonzales, masyadong naging "high profile" si Ledesma simula nang ma-link siya sa aktres na si Assunta de Rossi kaya nagka-interes ang mga kidnapper na kunin ang kanyang mga anak.

Sinabi ng mambabatas na ang pagbubukas ni Ledesma sa publiko ng kanyang mga ari-arian na kinabibilangan ng ilang ektaryang lupain sa probinsiya, mga bahay at negosyo ay nagsilbi umanong "pain" para magka-idea ang mga kidnapper na biktimahin siya.

Magugunitang noong sinusuyo pa lamang ni Ledesma ang aktres na si Assunta de Rossi ay napabalita ang mamahaling mga regalo na ibinibigay ng mambabatas sa huli at kapag nagpapainterbyu sa TV ay nakalantad ang mga alahas na bigay nito sa aktres. Pati mga kaibigan ni de Rossi na sina Ara Mina at Rossana Roces ay sinasabing niregaluhan din ni Ledesma ng tig-isang mamahaling singsing.

Gayunman, sinabi naman ni House Speaker Jose de Venecia na ang pangyayari ay dapat magsilbing leksiyon hindi lamang sa mga kongresista kundi para sa lahat na maging maingat.

Iginiit ni de Venecia na isolated case lamang ang insidente kaya nararapat pa ring magtiwala sa Philippine National Police. (Ulat ni Malou Escudero)

Show comments