Base sa nakarating na report kahapon sa Camp Aguinaldo, sinabi ni AFP spokesman Brig. Gen. Purificacion, patuloy ang isinasagawang air at ground assault operations ng tropang militar laban sa grupo ng mga kidnappers na may hawak sa tatlo pang bihag na Indonesian crewmen at apat na preachers ng Jehovahs Witnesses.
Sinabi ni Purificacion na malaki ang posibilidad na nagsanib na ng puwersa ang mga bandidong ASG, Misuari Breakaway Group (MBG) at ang grupo ng mga kidnappers ng Jehovah.
Ayon kay Purificacion, nabuo ang hinalang ito matapos na dumami umano ang sumasagupang puwersa ng mga kalaban sa sumusugod na puwersa ng gobyerno.
Sinabi pa ni Purificacion na nagsimula ang engkuwentro kamakalawa sa bahagi ng Mt. Bagsak malapit sa bayan ng Patikul, Sulu kung saan mismong ang grupo ni ASG Commander Radulan Sahiron ang nagsilbing "blocking force" na siya mismong nakasagupa ng militar matapos na harangin ng mga ito ang tropa ng pamahalaan na tumutugis sa mga kidnapper ng Jehovahs Witnesses.
Sinasabing ang pamangkin ni Sahiron na si Abdulmuin Sahiron, isa umanong sanggano at durugista ang siyang utak sa pagdukot sa mga preachers ng Jehovah na part-time dealers din ng Avon cosmetics sa Sulu.
Nagsisilbing 1st line of defense ang ASG habang 2nd line of defense ng grupo ang MBG na nasa naturang lugar.
Sa kasalukuyan, base sa tala ng militar, umaabot sa 50 miyembro ang ASG habang 300 naman ang MBG at kulang-kulang sa 20 ang kidnapper na ngayoy kalaban ng militar sa Sulu. (Ulat ni Joy Cantos)