Batay sa dokumento na may serial number na MC02-190 na naisumite sa Mandaluyong City Regional Trial Court (MCRTC) ng Spinbase International Corp., na nagsasabing nakapagdeliver ng mga modular workstations, office tables at chairs na may kabuuang halaga na P19,787,644 sa CBCP.
Ayon sa korporasyon, ang mga nasabing kagamitan ay para magamit ng CBCPNet, isang kompanya na binuo ng CBCP para magsilbing Internet Service Provider (ISP) at system integrator para sa lahat ng Simbahang Katoliko, paaralan at mga organisasyon sa Pilipinas.
Ang kapabilidad ng ISP ay naglalayon para magamit ng Simbahan sa teknolohiya sa Internet para sa evangelization and informations dissemination at iba pa.
Ngunit ayon kay Reynaldo Dizon, abogado ng korporasyon, hindi nabayaran ng CBCP o ng CBCPNet ang mga nasabing kagamitan kahit na matagal ng paso ang panahon na napagkasunduan na bayaran ang mga ito.
Isinaad din ni Dizon sa reklamo na nagpadala ng liham si Monsignor Oscar Cruz, chairman of the board ng CBCPNet, sa pangulo ng Spinbase na humihingi ng konsiderasyon at dagdag na panahon para mabayaran ang mga kagamitan dahil sa naghahanap pa ng pagkukunan ng pondo para mabayaran ang nasabing pagkaka-utang.
Ngunit, imbes na tuparin ang pangako na bayaran ang pagkaka-utang ng CBCP, inilunsad ang CBCP World, isang panibagong kompanya na may kaparehong objectives and function ng CBCPNet noong Mayo 12 taong kasalukuyan.
Hinihiling din ng kompanya sa korte na atasan ang CBCP, CBCPNet at ang CBCPWorld na bayaran ang P19,787,644 halaga ng equipments na pinakikinabangan na at ang attorneys fee na nagkakahalaga naman ng P300,000. (Ulat ni Jhay Quejada)