Pag-angkin sa Sabah binuhay

Matapos ang hindi makataong pagtatrato ng Malaysian government sa pagpapauwi sa mga undocumented Pilipino na nasa Sabah, iginiit kahapon ng mga mambabatas na buhayin ang pakikipaglaban ng bansa upang mabawi ang Sabah bilang teritoryo ng Pilipinas sa pamamagitan ng diplomatikong paraan.

Sinabi ni Senator Manuel Villar, chairman ng Senate committee on foreign relations, hindi tayo naghahamon ng away sa bansang Malaysia pero nais lamang nating igiit na hindi pa tayo sumusuko sa pag-angkin sa Sabah island kaya pag-aaralan natin kung paano natin ito muling mababawi.

Ipinaliwanag pa ng senador na hindi dapat palayasin sa Sabah ang mga naninirahan at nagtatrabaho doong Filipino dahil bahagi pa rin ito ng Pilipinas.

Naniniwala naman sina Ilocos Norte Rep. Imee Marcos at Negros Occidental Rep. Apolinario Lozada na mahina ang epekto ng isinumiteng diplomatic protest ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Malaysia.

Sinabi ni Marcos sa isang press briefing na kailangan nang buhayin ang isyu ng pag-angkin sa Sabah matapos itong pabayaan ng mga nakaraang administrasyon.

Kasabay nito, hiniling ni Lozada kay Pangulong Arroyo na personal na tawagan nito si Malaysian Prime Minister Mahathir Mohammad upang ipaabot ang hindi magandang pagtrato sa mga Pinoy deportees.

Tinatayang aabot sa 700,000 Pinoy na naninirahan at naghahanap-buhay sa Sabah ang maapektuhan sa desisyon ng Malaysian government.

Subalit idinagdag ni Marcos na hindi dapat maging confrontational ang pagresolba sa pagbawi sa Sabah.

Dapat aniyang iwasan ang nangyaring girian sa pagitan ng Pilipinas at Malaysia noong panahon ni dating Pangulong Macapagal. (Ulat nina Rudy Andal/Malou Escudero)

Show comments