Kukupkop sa naglayas na menor de edad ikukulong

Ikukulong at pagmumultahin ang sinumang kukupkop sa mga naglayas na menor de edad na ginagamit naman ng sindikato sa kriminalidad.

Ito ang nilalaman ng Senate bill 2265 na akda ni Senator Noli de Castro kaugnay sa tumataas na bilang ng mga kabataang 18 anyos pababa na naglalayas sa kanilang bahay at sinasamantala naman ng sindikato na magamit sa kanilang ilegal na aktibidad.

Sinabi pa ni de Castro, ang sinumang mapapatunayang kumukupkop sa mga naglalayas na kabataan at ginagamit sa ilegal na gawain ng sindikato ay papatawan ng pagkakakulong na 10 taon at multang mula P50,000-P150,000.

"Nais lamang natin protektahan ang kapakanan ng mga bata na dahil sa murang isipan ay madaling mapaniwala sa kahit anong proposisyon at ating hangad na mapanagot ang mga walang konsensiyang elemento ng lipunan na lumalason ng kanilang murang isipan," wika ng senador.

Aniya, maraming menor de edad na naglalayas sa kanilang mga tahanan ang bumabagsak sa sindikato na kumukupkop sa kanila para sapilitan namang gamitin sa pagnanakaw, prostitusyon at iba pang ilegal na aktibidad. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments