Ito ang naging babala kahapon ni Negros Occidental Rep. Apolinario Lozada, chairman ng House committee on foreign relations matapos ihayag ng isang Abu Hamid, umanoy operations head ng Abu Sayyaf na nagpapagaling lamang sa kanyang sugat si Sabaya.
Sinabi ni Hamid na isa hanggang dalawang linggo mula ngayon ay muling tatawag sa mga radio stations si Sabaya upang patunayan na siya ay buhay.
Ipinahayag naman ni Lozada na ginagawa na lamang ang mga "finishing touches" upang masiguro na magiging kamukha at kaboses ni Sabaya ang ilalantad ng mga kalaban ng gobyerno.
Ayon pa umano sa intelligence report ng militar, pipiliting "buhayin" ng mga kaaway ni Pangulong Arroyo ang isang Abu Sabaya bilang bahagi ng kanilang desperadong hakbang na mapabagsak ang kasalukuyang administrasyon.
Maliban pa sa naging statement ni Hamid, masyado aniyang kaduda-duda ang pananahimik ngayon ng ASG simula ng mapabalita ang pagkakapatay kay Sabaya.
Sa laki aniya ng salapi na nakuha ng bandidong grupo ay hindi imposibleng magbayad ang mga ito ng taong magi-impersonate kay Sabaya para muling tumaas ang morale ng grupo at upang lituhin ang mga mamamayan.
Posible rin aniya na pakawala lamang ng anti-government group ang nagpakilalang Hamid at hindi ito talagang miyembro ng ASG. (Ulat ni Malou Escudero)