Sa paghahain ng "The Media Protection for the Disabled Act," sinabi ni Senator Manny Villar na layon ng panukalang batas na bigyan ng patas na dignidad ang mga taong may kapansanan tulad ng normal na tao kaya mahigpit na ipagbabawal na gamitin ito sa media bilang pagpapatawa.
"Masamang tingnan na pinapasaya natin ang ibang tao sa pamamagitan ng mga may kapansanan. Nagbibigay ito ng hindi magandang aral sa publiko lalo na sa mga bata," sabi ni Villar.
Idinagdag pa ng mambabatas na hindi dapat maging behikulo ng mga pagpapatawa o komedya sa telebisyon, pelikula o anumang porma ng media ang pagiging bulag, pipi, bingi, pilay, putol ang paa o may bingot (harelip).
Nakasaad din sa panukala na bigyan ng karagdagang benepisyo ang mga ito tulad ng discounts sa ibat ibang establisimiyento at pagbibigay ng libreng medical at dental services ng mga government hospitals at health institutions.
Papatawan ng parusang pagkakulong na anim na buwan at multang P5,000 ang sinumang lalabag sa nasabing panukala. (Ulat ni Rudy Andal)