Natuklasan ito sa isinagawang public hearing sa Senado kaugnay sa Senate bill 4109 na naglalayong amyendahan ang umiiral na Electric Power Reform Act of 2001 (EPIRA).
Sinabi ni Asiselo Gonzaga, pangulo ng Transco, mas mataas ng P40 sentimo sa sinisingil ng Napocor na per kilo watthour ang mga consumers ng Meralco kaysa sa electric consumers sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Dahil dito ay sinusubsidized ng Meralco ang iba pang electric consumers sa ibang bahagi ng bansa sa pamamagitan ng inter-grid at intra-grid cross subsidies na nais namang unti-unting alisin sa loob ng 3 taon gaya ng nakapaloob sa section 74 ng EPIRA.
Ipinaliwanag pa ng Transco, ang cross-subsidies na ito ay ang dahilan upang ang ating industrial rate ay pangalawa sa pinakamataas sa Asya na nagiging dahilan upang umatras ang mga investors na magtayo ng negosyo sa bansa.
Ang intra-grid ay ang Napocor charges sa malalaking distribution facilities tulad ng Meralco na mas mataas kaysa sa actual costs ng Napocor habang ang inter-grid naman ay pinapayagan ang Meralco rates na magbigay ng subsidies sa mga electric consumers sa Visayas at Mindanao.
Ayon naman kay Rafael Andrada, vice president for finance ng Meralco, mararamdaman ng kanilang mga consumers ang kabawasang P.40 sentimo/kwh sa sandaling ma-phase out ang cross-subsidies na ito sa loob ng 3 taon.
Naniniwala si Andrada na sa sandaling maisakatuparan ang kompetisyon sa electric market na ngayon ay monopolyado ng Napocor ay makikita ang pagbagsak ng presyo ng elektrisidad sa bansa kumpara sa neighboring countries sa Asya. (Rudy Andal)