Dalawa sa mga naarestong Indonesian n a sina Abdul Jamal Balfas at Tamsil Linrung ang nakabalik na sa Jakarta noong Abril 19 sa utos ng Pangulong Gloria Macapagal Arroyo dahil sa kakulangan ng ebidensiya laban sa kanila.
Si Aguz Dwikarna, ang naiwan pa sa bansa para pumailalim pa sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation(NBI)kaugnay naman ng pag-iingat niya ng sandata.
Sa isang phone interview kahapon kay Acting Press Secretary Silvestre Afable, sinabi nitong ipinadala ng Pangulo si Presidential Adviser on Special Concerns Norberto Gonzales para makipagpulong sa Minister of Justice ng Indonesia.
Ayon kay Afable, tumawag si Gonzales kahapon mula sa Jakarta at sinabi nitong naunawaan naman ng pamahalaang Indonesian ang dahilan kung bakit naaresto ang tatlong nilang mamamayan.
Si Gonzales ay nakatakdang makipagkita sa pamilya ng mga naarestong Indonesian para magpaliwanag hinggil sa kadahilanan ng kanilang pagkakaaresto sa bansa.
Kinailangan ang pagpapaliwanag na ito ng pamahalaan dahilan sa nagharap ng reklamo ang dalawang umuwing Indonesian na "planted" daw ang ebidensiyang pinagbasehan sa kanilang pagkakadakip sa NAIA.
Isang kinatawan ng Indonesian Legislature na si Deputy speaker Andi Tafwa ang ipinadala sa bansa para hilingin ang pagpapalaya sa tatlong naaresto nilang kababayan.
Tumawag din sa Pangulong Arroyo si Indonesian President Sukarno Utri, Prime Minister Hassan Wirayuda at Indonesian Parliament.
Inirekomenda ni Justice Secretary Hernando Perez ang pagpapalaya kaagad sa dalawang Indonesian noong Marso 13 dahilan sa kawalan ng sapat na ebidensiya laban sa kanila at dahil din sa "diplomatic goodwill." (Ulat ni Lilia Tolentino)