Pentagon lansag na: Lider, 9 pa arestado

FORT DEL PILAR, Baguio City - Bumagsak sa magkakasanib na operatiba ng militar at pulisya ang isa sa mga lider ng kilabot na Pentagon kidnap-for-ransom group, asawa nito at walong iba pa sa isinagawang raid kahapon ng umaga sa safehouse ng mga suspek sa Islamic Center sa Quiapo, Manila.

Sa press briefing kahapon sa Philippine Military Academy (PMA) kaugnay ng alumni homecoming ng naturang military institution, inihayag ni AFP Spokesman Brig. Gen. Edilberto Adan ang pagkakaaresto sa Pentagon leader na si Faisal Marohombsar, itinuturong isa sa pangunahing suspek sa pagdukot kay Italian priest Fr. Giuseppi Pierantoni na apat na buwan na ngayong bihag ng grupo sa Mindanao.

Nabatid na dakong alas-2:45 ng madaling araw ng salakayin ng magkakasanib na elemento ng PNP-National Anti-Kidnapping Task Force (NAKTAF) at Intelligence Security Group ng Phil. Army ang hideout ng mga ito sa Elizondo st., Quiapo sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Misamis Oriental Regional Trial Court Judge Edgardo Ligren kaugnay ng mga kaso ng kidnapping na kinasasangkutan ng grupo.

Kinilala ang iba pang mga naaresto na sina Fatima, asawa ni Faizal, at mga kasabwat nitong sina SPO2 Mustafa Mendoza, Sr.; Mustafa Mendoza, Jr.; Alex Moralan; Tamano Salih; Anwar Sumandat; Datu Anong Pakamaman, Sr.; Datu Anong Pakamaman, Jr.; at Oting Akol.

Ang mga suspek ay nasakote matapos ang ilang buwang surveillance operations ng Anti-Kidnapping Task Force hinggil sa kilos ng Pentagon sa General Santos, Davao, Misamis Oriental at Iligan City.

Kasalukuyang sumasailalim sa tactical interrogation ang grupo ni Marohombsar, gayunman tumanggi si Adan na sabihin kung anong ginagawa ni Marohombsar sa Quiapo pero siniguro ng AFP spokesman na sa pagkakalambat kay Marohombsar ay susunod nang madarakip ang iba pang lider ng grupo at tuluyan nang mababawi si Pierantoni.

Kabilang sa mga kinidnap ng Pentagon sina Epifanio Acetre, na dinukot noong Setyembre 2000 sa Parang, Maguindanao; Enrique Fabella-Pelaez, binihag noong Nobyembre 23, 2000 sa Cagayan de Oro City; Canadian Pierre Belanguer, dinukot noong Nobyembre 3, 2002 sa Hagonoy, Davao del Sur, at Ma. Cecilia Bonifacio na kinidnap noong Enero 3, 2001 sa Digos City, Davao del Sur.

"Both the PNP and AFP are helping each other and we expects more result in the coming days," pahayag pa ng AFP spokesman. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments