Reyes nakalusot sa CA

Matapos dumaan sa butas ng karayom ay nakalusot rin si Defense Secretary Angelo Reyes sa kumpirmasyon ng Commission on Appointments (CA).

Hindi na naharang pa ni Sen. Serge Osmeña ang kumpirmasyon ni Reyes na isinalang sa tatlong oras na paggisa ng committee level ng CA bago inirekomenda para sa kumpirmasyon nito sa plenary ng komisyon.

Nagkaroon ng matinding pagkuwestiyon si Osmeña kay Reyes sa isyu ng pagbabayad ng ransom para makalaya ang mga bihag na dinukot ng Abu Sayyaf Group at ang pagbili ng dispalingahadong C-130 planes at mga mahihinang klase ng helmet na gamit ng militar.

Kasamang nakumpirma ni Reyes sina NEDA Sec. Dante Canlas, AFP Chief of Staff Gen. Diomedio Villanueva at tatlo pang ambassador na sina Alejandro del Rosario, Hungary; George Reyes, Argentina at Rodrigo Aragon, Iran.

Samantala, hindi pa rin nakukumpirma ang mga miyembro ng Gabinete ni Pangulong Arroyo na sina Secretaries Hernando Perez, DOJ; Pantaleon Alvarez, DOTC; Heherson Alvarez, DENR; Jose Isidro Camacho, DOF at Guillermo Carague, COA. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments