Sa ginanap na pulong balitaan kahapon, tinawag ng Pangulo ang mga report ng coup na "wild imagination" lamang ng mga nananaginip na ibagsak ang kanyang gobyerno. Wala umanong basehan o batayan ang nasabing coup rumor na naglalayong sindakin ang publiko at gawing abnormal ang pamumuhay dahil naapektuhan ang ekonomiya at ang piso.
"Huwag po kayong matakot. Wala pong kudeta laban sa gobyerno at laban sa demokrasya. Huwag nating bigyang pansin ang mga tsismis tungkol sa kudeta," wika ng Pangulo.
Gayunman, tinanggihan ng Pangulo na magsagawa ng loyalty check sa AFP at PNP dahil may tiwala umano siya sa katapatan ng mga opisyal nito.
Pinabulaanan din ng Pangulo na kanyang nililigawan ang ilang opisyal ng militar at pulisya kaugnay ng pakikipag-usap nito kay YOU chief Col. Raffy Cardeno at Supt. Diosdado Valeroso.
Ayon sa Pangulo, hindi niya tungkulin na magpakalma sa sinumang opisyal ng AFP at PNP kung meron mang nag-aalburuto.
Binalewala rin ng Pangulo ang banta ng Philippine Consultative Assembly (PCA) na maglulunsad ng people power.
Wala umanong halaga o importansiya sa kanya ang PCA na isa sa bumabatikos ngayon sa administrasyon bagamat kabilang ito sa civil society. (Ulat nina Ely Saludar at Lilia Tolentino)