Sinabi ni Legarda na sa kasalukuyan ay dalawang panukalang batas ang nakahain ngayon sa Senado na naglalayong itaas ang buwis upang mapababa ang lumobong deficit ng pamahalaan at matugunan ang mga nakaamba nang proyekto.
Ayon kay Legarda, hindi ang mga operators ang direktang sasagot ng ipapataw na bagong buwis kung hindi ang may 8 milyong nagmamay-ari ng cellular phones dahil sa kanila ito babawiin.
Ang unang panukalang batas ay humihiling na dagdagan ng 50 sentimo ang bawat tawag sa cellular phones habang ang isa pang panukala ay magpapatong ng 10 porsiyento ng buwis sa kasalukuyang 10 percent value added tax.
Sinasabi sa naturang mga panukala na ang buwis na makukulekta ay gagamitin na pambili ng mga computers upang palaganapin ang computer education sa mga pampublikong paaralan sa bansa.
Naniniwala si Legarda na hindi na kailangang magpataw pa ng karagdagang buwis ang pamahalaan upang tamaan lamang ang pangangailangan ng pampublikong paaralan at sa halip ay maglalagay lamang ng karagdagang pondo na kukunin din mula sa ibang pondo ng Department of Education at Commission on Higher Education.
Marami pa anyang paraan ang magagawa ang pamahalaan upang hindi na magpasa pa ng karagdagang buwis sa naghihikahos nang mamamayan at ang kailangan lamang ay maghigpit sa pagkulekta ng buwis at habulin ang mga malalaking tax evaders. (Ulat ni Rudy Andal)