Ayon kay Presidential Adviser on the Peace Process Eduardo Ermita, tumanggap siya ng impormasyon na diumano si Misuari ay nagtatawag ng kanyang mga taga-suporta para sa kanyang planong bawiin ang kapangyarihan ng ARMM na inalis sa kanya may dalawang buwan na ang nakararaan. Nang alisin kay Misuari ang ARMM ay inakusahan nito ang Malacañang na may kagagawan ng pagpapatalsik sa kanya at pagtatalaga sa 15-man MNLF Executive council na pinamumunuan ni Presidential Assistant for Muslim Affairs Dr. Farrouk Hussein.
Gayunman, sinabi ni Ermita na sa kabila ng balitang ito, bilang public official ay gumaganap ng kanyang tungkulin si Gov. Misuari.
"He has not done any over acts that prove he was really girding to stir destabilization in the area," pahayag ni Ermita.
Kamakailan ay nagkaroon ng Moro Congress sa Jolo na dinaluhan ng mga ambassador ng Malaysia at Libya at mga miyembro ng MNLF para ipakita ang suporta nila sa bagong pamunuan ng MNLF. (Ulat ni Lilia Tolentino)