Naipit at tumama ang katawan ni Mayor Abalos sa isang kongkretong plant box sa gitna ng kalsada, subalit ligtas na ito sa anumang pinsala.
Naaresto naman at nakakulong sa Mandaluyong detention cell ang mga suspek na sina Jae Young Park, 39, binata, ng #902 Bonanita Luxury condominium, Pearl Drive Ave., Ortigas Center, Pasig at Seong Ki Yeo, 35, may asawa, ng #12 Landsdale st., Vista Verde, Cainta, Rizal.
Nabatid kay SPO2 Guillermo Boy, dakong alas-2:30 ng madaling araw habang binabagtas nina Abalos sakay ng kanyang Honda motorcycle na may plakang TP-8251, kasama ang tatlo pa na kinilalang sina Alberto "Toti" Enriquez, hepe ng Mayors Action Center (MAC), Conrado Cabrera at Anthony Subay na pawang nakamotorsiklo rin ang kahabaan ng San Francisco st., Maysilo Center buhat sa isang party sa Rockwell Center, Makati City nang isang Nissan Cefiro na may plakang UTG-226 ang biglang gumitgit sa kanila.
Sinabi ni Abalos na umilag siya ngunit muling ginitgit ng mga suspek at sinadyang ipitin. Tinangka umanong sumaklolo si Enriquez subalit ginitgit din ito at natumba.
Mabilis na rumesponde ang isang mobile car na minamaneho ni PO1 Seldon Salazar ng Police community precint 1 at hinarang ang sasakyan ng mga Koreano.
Sa kabila ng pagpapakila ni Abalos na siya ang alkalde ng lungsod ay minura umano ito ng mga suspek at nang aarestuhin ng mga pulis ay nanlaban pa.
Walang maipakitang lisensiya si Park ng hingan dahil nakumpiska umano ito ng isang Antipolo police dahil sa isang paglabag sa trapiko ngunit patuloy pa ring nagmamaneho.
Nagwala rin ang mga ito sa loob ng Mandaluyong Medical Center ng pilitin ang mga ito na sumailalim sa drug at alcohol tests kung saan nabatid na lasing ang mga ito.
Sinabi ni Abalos na maaari niyang hilingin sa Bureau of Immigration and Deportation (BID) na ipa-deport ang dalawa kung mapatunayang nagnenegosyo sila sa Pilipinas ng walang kaukulang papeles.
Nahaharap ang dalawang Korean national sa mga kasong attempted homicide, direct assault, serious disobedience to person in authority at paglabag sa batas trapiko.(Ulat ni Danilo Garcia)