Ayon sa isang mapagkakatiwalaang source na miyembro ng Sunshine Coalition, isang crony at isang kamag-anak ni Pangulong Arroyo ang nasa likod ng planong pagsasapribado sa SSS.
Pumayag umano ang dalawa na palitan sa puwesto si Nañagas dahil napaniwala nila ang bagong talagang si SSS president Corazon de la Paz na ituloy ang privatization ng SSS kapag lumamig na ang isyu.
Ibinunyag ng source na kung natuloy ang pagsasapribado, ang mga kumpanya umanong kontrolado ng nasabing Arroyo crony ang makakakuha ng mga kontrata sa pamamagitan ng dummy companies at pekeng bidding.
Ang dalawang kilalang personalidad din umano ang nasa likod ng pagkilos ni Nañagas para sa pagpapakontrata o outsourcing ng ilang gawain ng ahensiya at desidido silang ituloy ito sa bagong pamunuan.
Matatandaang iginiit ni Nañagas ang privatization ng ilang gawain ng SSS tulad ng Loans, Legal, Housing at Investment departments sa paniwalang mapapaunlad nito ang serbisyo ng ahensiya.
Malaki umano ang matitipid dito at hindi na kinakailangang magtanggal pa ng mga empleyado.
Ayon pa sa source, ang dalawang personalidad din na malapit kay Arroyo ang nasa likod ng maanomalyang mga transaksiyon sa pamahalaan tulad ng pakikialam sa pamamalakad sa Bureau of Customs at PCSO.
Ang Arroyo crony umano ang utak ng kampanyang Silent Majority na pabor kay dating Pangulong Estrada subalit bumaligtad ng matantiyang babagsak ang dating lider sa pamamagitan ng EDSA 2.
Kinumpirma pa ng source na ang nasabing Arroyo crony ang kasabwat ng kamag-anak ng Pangulo sa mga demolition job sa oposisyon partikular ang maugong na kampanya ngayon laban kay Sen. Panfilo Lacson. (Ulat ni Malou Rongalerios)