Pamahalaang Malaysia, hihikayatin ng Pangulo

Hihikayatin ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang mga negosyanteng Malaysian na mamuhunan sa bansa lalo na sa Mindanao sa larangan ng produksiyon ng palm oil.

Nakatakdang umalis bukas ang Pangulo patungo sa Malaysia sa kauna-unahan niyang state visit sa isang bansang miyembro ng Association of Southeast Asian Nation o ASEAN mula nang ito ay maluklok bilang bagong Pangulo ng bansa noong Enero 20.

Sa pagbisita ni Pangulong Arroyo ay muling bubuhayin ang Brunei-Indonesia-Malaysia-Philippines East ASEAN Growth Area o BIMP-EAGA sa pagpupulong nito kay Malaysian Prime Minister Mahathir Mohammad.

Ayon sa Pangulo, bahagi ng kampanya sa promosyon ng konseptong BIMP-EAGA ay ang pagtataguyod ng turismo at pagtutulungan sa larangan ng kabuhayan na ninanais ng bansa na buksan sa pamumuhunan ang 160 ektaryang pagtatanim ng palm oil sa Mindanao.

Bahagi pa rin ng nasabing konsepto ay ang pagdidiskusyon nito kay PM Mahathir ng panukalang pagtatatag ng gas pipeline sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Philipine National Oil Corporation at Petronas ng Malaysia.

Ang delagasyon ng bansa ay kinabibilangan ng mga negosyante na pangungunahan ng isang Agriculture Undersecretary at presidente ng Philippine Palm Oil Association. (Ulat ni Lilia Tolentino)

Show comments