Pagsuko ni Robot hinaharang ng mga "Die Hards" ng ASG

Sinasabotahe umano ng mga "Die Hards" na pinuno ng mga bandidong Abu Sayyaf sa pamumuno ng Spokesman nilang si Abu Sabaya upang hindi matuloy ang planong pagsuko ni Sulu based ASG leader Ghalib Andang alyas Commander Robot.

Ito ang naging reaksyon ng ilang mga opisyal ng militar matapos siraan ng mga ito si Robot na pinalalabas na ito ang nasa likod ng pagpugot ng ulo sa dalawang hostages na natagpuan kamakalawa sa Isabela, Basilan.

Nabulgar ang pamba-blackmail kay Robot nang matagpuan kamakalawa sa masukal na bahagi ng Bgy.Mentin,Isabela, Basilan ang dalawang pinugutang bihag na sina Primitivo Falcasantos, 48,chief security officer ng sinalakay na Golden Harvest Coconut Farm at manggagawang si Crisanto Suelo, 30.

Nabatid na nang matagpuan ang bangkay ng dalawa ay nakasulat sa kulay puting kamiseta nito ang katagang " Nandito sa Basilan si Commander Robot, Magpupugot siya ng ulo" na pinalilitaw lamang ng grupo ni Abu Sabaya na si Robot ang may pakana.

Samantala, kinondena ng Pangulong Arroyo ang panibagong pagpugot ng Abu Sayyaf kaya naman pinamamadali nito ang pagdurog sa mga halang na bituka na mga bandido. (Ulat nina Joy Cantos at Ely Saludar)

Show comments