Ayon sa Pangulo, hindi tatantanan ng pamahalaan ang paghabol sa mga bandidong Abu Sayyaf kasabay ng paghingi nito ng paumanhin sa mga pamilya ng biktima sa patakaran ng gobyerno na walang ransom.
Inamin ng Pangulo na hindi kayang kontrolin ng pamahalaan ang pamilya ng mga bihag na makipagnegosasyon sa Abu Sayyaf para sa pagbabayad ng ransom kapalit ng paglaya ng kanilang mga mahal sa buhay, pero nakiusap ito na unawain ang gobyerno sa pagpapairal ng no-ransom policy.
Sinabi ng Pangulo na ang pagbabayad ng ransom sa Abu Sayyaf ay hindi garantiya na hindi na mauulit ang ganitong pambibihag ng grupong bandido.
Sa ginawang pagbisita ng Pangulo ay nagkaloob ito ng tulong na P18 milyon para sa relief at rehabilitation program ng mga mamamayan ng Lamitan, Basilan at P2 milyon sa pagpapatayo ng nasirang St. Peter Church.
Namahagi din ang Pangulo ng mga gamot mula sa PCSO at P1milyong tseke na donasyon ng Fil-Chinese Chambers of Commerce and Industry sa pamilya ng mga nasawi at nasugatang sundalo. (Ulat nina Rose Tamato at Lilia Tolentino)