Sa kanyang talumpati sa pagdiriwang ng Philippine Independence kahapon, sinabi ng Pangulo na ang ginawa ng Abu Sayyaf ay pagpapakita na ang ASG ay isang grupong mabangis, walang puso, duwag at hindi nababagabag sa pagpatay ng inosenteng tao dahil lamang sa hangad na ransom money.
"Mahigpit naming kinokondena ang napaulat na pagpugot ng ulo kay Mr. Sobero. Ang pagpugot at pagpaslang sa isang walang kalaban-labang tao ay isang uri ng kaduwagan at kawalang puso," pahayag ng Pangulo.
Sinabi rin ng Pangulo na hindi mapanghahawakan ang salita ni ASG spokesman Abu Sabaya na makaraang pagbigyan ng gobyerno ang kanilang kahilingan hinggil sa Malaysian negotiators at ianunsiyo sa radyo na hindi itutuloy ang bantang pagpugot sa dayuhang bihag ay biglang nagsalita si Sabaya sa radyo na pinugutan nila si Sobero. Gayunman, nag-utos na ang Pangulo sa militar na beripikahin kung may katotohanan ang sinabi ni Sabaya. (Ulat ni Lilia Tolentino)