Pagpugot sa 3 bihag na Kano di itinuloy

Ipinagpaliban kahapon ng mga bandidong Abu Sayyaf ang pagpugot sa tatlong Amerikanong bihag makaraang pumayag na rin sa wakas ang palasyo ng Malakanyang na makipagnegosasyon sa mga ito ang dalawang negosyador mula sa bansang Malaysia.

Kahapon bandang alas-12 ng tanghali ay nakipag-ugnayan si ASG spokesman Abu Sabaya sa pamamagitan ng RMN News Manila kay Presidential spokesman Rigoberto Tiglao kung saan tiniyak nito na pumapayag na ang pamahalaan sa kahilingan ng ASG.

Ayon kay Sabaya, hindi muna nila itutuloy ang pagpugot sa mag-asawang misyonaryong sina Martin at Gracia Burnham at Guillermo Sobero kasunod na rin ng pagsang-ayon ng gobyerno sa kanilang kahilingan, pero nagbabala na itutuloy ang pagpugot kung hindi magiging seryoso ang pamahalaan.

"Kung totoo ang sinasabi nila na kanilang kokontakin si Malaysian Senator Sahirin Karno at ipu-pullout ang militar, ipo-postpone muna namin ang pagpugot pero kung gugulangan kami ng gobyerno, eh bahala na sila," wika ni Sabaya. (Ulat nina Joy Cantos/Rose Tamayo/Lilia Tolentino)

Show comments