Gown ni Osang pinag-initan

Hindi pabor ang bagong tagapangulo ng Movie and Television Review and Classification Board na si Alejandro Roces sa halos hubad na kasuotan ng ST queen na si Rosanna Roces sa parangala ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino noong Sabado ng gabi.

"Dapat ay magsuot siya ng damit nang naaayon sa okasyon," sabi ni Roces nang tanungin ng mga mamamahayag sa Malacañang kung ano ang masasabi niya sa suot ni Rosanna noong gabi ng Urian Award.

Tinutukoy ni Roces ang gown na suot ni Rosanna na bukas sa dalawang tagiliran na dahilan para bumuyangyang ang kanyang mga hita at nahahalata rin na wala siyang damit-panloob.

Sinabi ni Roces na, kung siya ang tatanungin, hindi niya papayagan si Rosanna na umakyat sa entablado sa ganoong uri ng kasuotan.

Sa naturang panayam din, sinabi ni Roces na napanood na niya ang kontrobersyal na pelikulang "Live Show" at labis siyang nagulantang sa mga eksenang puno ng pornograpiya. (Ulat ni Lilia Tolentino)

Show comments