Ayon kay LTFRB Chairman Dante Lantin, dahil sa talamak na insurance companies na namemeke ng insurance coverage ng mga pasahero sa mga public utility vehicles ay dalawang Insurance Company na lamang ang binigyan ng pagkakataon na pangasiwaan ang pag-iisyu ng passenger insurance sa mga pasahero para tuluyan nang maglaho ang modus operandi ng mga sindikato ng insurance na nag-ooperate sa LTFRB.
Sa ilalim ng nasabing insurance, tatanggap ng P50,000 ang bawat pasahero na mamamatay sa aksidente sa mga pampasaherong sasakyan.
Ang consortia ay kabilang sa pinakamalaking non-life insurance company sa bansa na kabibilangan ng Philippine Accident Managers Incorporated (PAMI) at Passenger Accident Insurance Coverage II (PAIC).
Inobliga ng LTFRB nitong Pebrero ang lahat ng mga pampasaherong sasakyan na kumuha ng insurance mula sa PAMI at PAIC matapos ang mga serye ng pagpupulong sa pagitan ng mga lider at miyembro ng ibat ibang transport groups kabilang na ang FEJODAP, PISTON, INTERBOA, PBOAP, PCDP-ACTO, FERCODA at ATOMM na sinuportahan naman ng Insurance Companies at Insurance Commission.
Kaugnay nito, sinabi naman ni PISTON President Medardo Roda na walang monopolisasyon, manipulasyon at alanganing mga transaksiyon sa pagkakaroon lamang ng dalawang accredited insurance groups na may 41 kasaping insurance firms at non-life insurance companies.
Sa ilalim ng passenger Accident Insurance Coverage Program ng LTFRB, ang lahat ng pampasaherong sasakyan ay makakatanggap ng kaukulang benepisyo mula sa mga accredited insurance groups.
Sumisingil ng halagang P1,165.00 para sa passenger insurance sa sedan at jeep, P1,042 sa vans, auvs at FX samantalang P1,287.00 para sa mga bus. (Ulat ni Angie dela Cruz)