Pulisya ‘nakuryente’ sa Feliciano rape-slay

‘Nakuryente’ (nakasagap ng maling impormasyon) ang pulisya matapos nilang mapagkamalan na ang kanilang nadakip ay isa sa suspek na nanggahasa at pumatay sa De La Salle Graduate na si Claudine Mabelle Feliciano.

Ayon kay Parañaque Police Chief Supt. Ronald Estilles, napagkamalan umano ang suspek na si Agustin Adriatico, 21, ng Dasmariñas, Cavite, dahil kamukha umano ito ng nasa kanilang cartographic sketh. Nabatid na si Adriatico ay nadakip dakong alas 8:00 kahapon ng umaga sa Maceda St., Sampaloc, Manila ng mga kagawad ng Western Police District.

Dahil dito, agad na dinala si Adriatico sa Parañaque City Police upang kilalanin ito ni Janet Bais, isa sa saksi. Pero ipinahihiwatig ni Bais na hindi kasama ng mga suspek si Adriatico.

Nabatid na si Bais ay isusunod sana sa magiging biktima ng mga suspek na nanggahasa at pumatay kay Feliciano. Subalit nakatakas ang babae.

Habang isinusulat ito, pinalaya ng pulisya si Adriatico. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments