"Di ako tatakas" - Erap

CAGAYAN DE ORO - Pinabulaanan kahapon ng pinatalsik na si dating Pangulong Joseph Estrada na nagpaplano siyang umalis sa bansa makaraang ibasura ng Supreme Court ang kanyang petisyon na naggigiit na siya pa rin ang presidente at hindi siya maaaring mademanda.

"Mga tsismis lang yan. Paulit-ulit ko nang sinasabi na dito ako ipinanganak, nakatira ako rito, at dito ako mamamatay," ang tila naiiritang sabi ni Estrada na nangangampanya sa lunsod na ito para sa mga kandidato ng oposisyon sa halalan sa Mayo.

"Wala akong intensyong umalis ng bansa," diin pa niya.

Nauna rito, inalerto kamakalawa ni Justice Secretary Hernando Perez ang Immigration at airports dahil sa pangambang baka tumakas si Estrada.

Gayunman, ipinahiwatig kahapon ng isang mataas na opisyal sa Camp Aguinaldo na nagtangka si Estrada na dumaan sa southern backdoor ng bansa (Mindanao) para makatakas noong Sabado.

Sinabi ng opisyal na isang private jet sana ang takdang maghatid kay Estrada at sa ilang miyembro ng pamilya nito palabas ng bansa patungo sa Hong Kong, Indonesia o Palau.

"Nasa double alert ang militar at pulisya dahil baka makatakas si Estrada. Nakakalat sa lahat ng posible niyang lusutan ang mga intelligence agents at tropa ng pamahalaan," dagdag pa ng opisyal.

Nagbigay umano ng utos sa naturang mga hakbangin si Acting Defense Secretary Eduardo Ermita.

Sinabi ng opisyal na dapat sanang isinagawa ni Estrada ang pagtakas sa pamamagitan ng pagdaan sa Puwerto Princesa sa Palawan o Cagayan de Oro.

Ibinunyag din ng opisyal na, noong Biyernes ng gabi, tinangka ni Estrada na magtungo sa Indonesia mula sa Davao City pero hindi siya nakaalis dahil sa nakakalat na mga intelligence agent. (Ulat ni Paulo Romero)

Show comments