Sa presinto ay arogante umano si Erap nang tinatanong ng imbestigador tungkol sa baril na ginamit ni Sta. Romana. Sinabi umano ni Erap na hindi kanya ang baril na iyon kundi sa isang kaibigang babae lamang. Totoo umanong nasa kanyang kotse ang baril subalit hindi iyon sa kanya.
Sa isa pang bersiyon ng barilang iyon sa LVN Productions, sinasabi namang ang baril ay pag-aari umano ni Zaldy Zhornack na nakalagay naman sa kotse ni Fernando Poe Jr. na kinuha roon ni Sta. Romana. Ang pinagmulan umano ng barilan ay maaaring dahil sa larong basketball. Magka-team sina Erap, Zhornack at Sta. Romana ng mga panahong iyon at matatalik na magkaibigan. Naganap ang laro sa Araneta Colesium. Nagkasagutan umano si Zhornack at ang referee. Sinapak umano ni Zhornack ang referee at ang kasunod ay ang labu-labo na. Napilitan nang tumawag ng mga pulis para ayusin ang kaguluhan. Iniuugnay ang pangyayaring iyon sa barilan sa LVN compound. Pumunta umano ang mga nakalaban sa LVN para gumanti sa pananapak ni Zhornack. Ang masakit ay si Sta. Romana lamang ang inabot at ito nga ang napuruhan.
Magdamag umanong pinigil sa police headquarters si Erap at kinabukasan ay pinalaya matapos makapagpiyansa. Sinabi umano ng mga pulis na matigas si Erap at nagpipilit na palayain siya sa gabing iyon. Kung umasta umano si Erap ay parang ang hoodlum na si Asiong Salonga na ang buhay ay ginanapan nito sa pelikula. Para bang ang pagkatao ni Asiong ay sumapi umano rito.
Sino ba si Asiong Salonga? (Itutuloy)