Ito ang ibinunyag kahapon ng kilalang corporate psychic sa Makati City na si Danny Atienza na matatandaang nagsagawa ng prediksyon noong 1998 na, sakaling mahalal na Pangulo si Estrada, hindi nito matatapos ang termino.
Ipinahiwatig din ni Atienza na maaaring sino man kina Senate President Aquilino "Nene" Pimentel, dating Speaker Manuel Villar at dating Pangasinan Governor Oscar Orbos ang maging kapalit ni Estrada sa puwesto.
"Noong 1998, sinabi ko na hindi matutuloy ang eleksyon at, kung matuloy man at manalo si Estrada, hindi nito matatapos ang panunungkulan sa puwesto," sabi ni Atienza sa eksklusibong panayam ng Pilipino Star Ngayon.
Wala umanong naniwala sa kanyang prediksyon dahil nahalal si Estrada at walang nag-aakalang maaari itong mapatalsik sa puwesto.
Hindi umano naniwala sa kanya ang marami nang hulaan niya na matatalo sa halalang pampanguluhan noong 1992 si Miriam Defensor-Santiago dahil marami ring ibang psychic at manghuhula ang nagsabing mananalo ito pero hindi nagkatotoo.
Nalathala din sa mga pahayagan noong Disyembre 31, 1990 ang kanyang prediksyon na hindi na muling magkakaroon ng babaeng presidente ang bansa pagkatapos ni dating Pangulong Corazon Aquino.
Sinabi pa ni Atienza na, bago matapos ang taong 1990, ang susunod na Pangulo ng Pilipinas ay may mga letrang E, L, o O, S sa kanilang pangalan.
Noong Mayo 1992, nahalal na pangulo ng bansa si Fidel V. Ramos na mayroong letrang E, L at O, S sa kanyang pangalan.
"Lahat ng presidente ng Pilipinas sa nakaraan at maging sa hinaharap ay mayroong EL o OS sa kanilang pangalan. Kapag wala ang mga letrang ito, hindi niya matatapos ang kanyang panunungkulan o may mangyayaring sakuna," sabi pa ni Atienza.
Sa lahat anya ng nagdaang mga presidente, tanging sina Ramon Magsaysay at Aquino ang walang EL at OS sa kanilang pangalan. "Si Magsaysay, namatay. Si Aquino, bago naupo, namatay ang asawa," dagdag niya.
Sinabi ni Atienza na sigurado siyang kung hindi may letrang EL ay may OS sa pangalan ang papalit kay Estrada, Sa ngayon, sina Pimentel anya, Villar at Orbos lamang ang mga tanyag na pulitikong may EL at OS sa pangalan.
Isa umano sa tatlong nabanggit ang papalit kay Estrada bago matapos ang second quarter ng taong 2001. Pero, bago anya ito mangyari, malaking kaguluhan ang daranasin ng bansa dahil makikialam na ang militar. (Ulat ni Marilou B. Rongalerios)