Rep. Jose Mari Gonzales ikinahihiya ng anak

Ikinakahiya umano ng dating movie actress na si Cristina "Kring-Kring" Gonzales ang kontrobersyal na pananampal ng ama niyang si San Juan Congressman Jose Mari Gonzales kay House of Representatives Sergeant-at-Arms Bayani Favic.

Sa paglulunsad kamakalawa ng gabi ng grupong 3rd Force na kinabibilangan ni Leyte Rep. Alfred Romualdez, sinabi ng asawa nitong si Kring-Kring na nalagay sa kahihiyan ang kanilang pamilya mula nang maganap ang naturang insidente.

Pero sinabi ni Kring-Kring na naniniwala siyang malulutas din ang problema na pinasok ng kanyang ama.

Humingi ng pang-unawa ang dating aktres sa mamamahayag na sana maintindihan ang sitwasyon ng kanyang ama dahil hindi nito napigilan ang sarili dahil sa init ng ulo.

Magugunitang, matapos pagtibayin ng noo’y Speaker ng House na si Manuel Villar ang articles of impeachment laban kay Pangulong Joseph Estrada, sinampal ni Gonzales si Favic dahil hindi umano nito napigilan ang paghihiyawan at ingay ng mga tao na nasa gallery ng session hall. (Ulat ni Malou Rongalerios)

Show comments